-- Advertisements --

Nakahanda na ang legal defense ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) na nakatakdang simulan sa Setyembre 23, 2025.

Batay sa dokumentong isinumite sa Pre-Trial Chamber I noong Agosto 22, inihayag ni Nicholas Kaufman na maglalaan sila ng tig-30 minuto para sa opening at closing statements, habang tatlo hanggang apat na oras naman ang nakalaan para sa oral presentation ng depensa.

Ang pagdinig ay bahagi ng proseso upang matukoy kung may sapat na ebidensiya upang ituloy ang isang ganap na paglilitis laban kay Duterte kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kontrobersyal na kampanya kontra droga.

Ayon sa mga ulat, mahigit 7,000 katao ang napatay sa mga operasyon mula 2016 hanggang 2019, bagamat tinatayang maaaring umabot sa 30,000 ang aktwal na bilang ayon sa mga human rights groups.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Kaufman na hindi gumawa ng anumang krimen si Duterte at nagsilbi umano ito sa bansa ng tapat at may pagmamalaki sa loob ng maraming taon.

Inaasahan ng kanyang kampo na tututukan ng depensa ang mga legal na argumento hinggil sa jurisdiction ng ICC, ang pagiging “politically motivated” umano ng kaso, at ang kawalan ng direktang ugnayan ni Duterte sa mga pagpatay.

Matatandaang inaresto si Duterte ng mga awtoridad ng Pilipinas noong Marso 11, 2025, batay sa warrant of arrest na inilabas ng ICC. Siya ay kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague.

Nasa mahigit 300 biktima ng kampanya kontra droga ang nagsumite ng aplikasyon upang makilahok sa pre-trial proceedings.

Hindi na kailangang bumiyahe ang mga biktima patungong The Hague dahil sila ay kakatawanin ng mga legal representatives, kabilang si Atty. Kristina Conti ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at Atty. Gilbert Andres at iba pa.

Bagamat umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019, pinanatili ng ICC ang hurisdiksyon sa mga krimeng umano’y naganap habang miyembro pa ang bansa mula 2011 hanggang 2019.

Kung makumpirma ng Pre-Trial Chamber ang mga paratang, magpapatuloy ang kaso sa isang full trial na maaaring tumagal ng ilang taon.

Kung hindi, maaaring ibasura ang kaso, bagay na mariing tinututulan ng mga biktima at kanilang mga abogado.

Ang pagdinig ay inaasahang tatagal ng ilang araw, at magiging sentro ng pandaigdig ang atensyon bilang isa sa pinakamalalaking kaso ng human rights accountability sa kasaysayan ng Pilipinas.