-- Advertisements --

Kinumpirma ni Consul General Senen Mangalile ng Philippine Consulate General in New York na nakalabas na sa ospital ang tatlong Pinoy na kasama sa nagcrash na tour bus sa New York nitong nakalipas na lingo.

Ayon kay Mangalile, ang tatlong Pinoy ay pawang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar ngunit kasalukuyang bumibisita sa US.

Una silang dinala sa isang pagamutan sa Buffalo, New York kasunod ng insidente.

Dalawa sa mga biktima ay mga lalake na kapwa nagtamo ng minor injuries habang ang isang babae ay nakitaan ng head trauma na agad ding nalapatan ng lunas.

Sunod-sunod aniyang nakalabas sa pagamutan ang tatlo at sa kasalukuyan ay papunta na ang mga ito sa New York City, sakay ng bus na inilaan din ng tour company.

Samantala, makikipagita naman ang konsulada sa New York sa tatlong Pinoy bukas, Aug. 26, oras sa Pilipinas.

Ayon kay Consul General Mangalile, tutulong din ang kaniyang opisina sa karagdagang pangangailangan ng tatlong Pinoy upang masigurong makakabalik nang maayos ang mga ito sa kanilang trabaho sa Qatar, kasunod ng bus crash.

Sa kasalukuyan, nasa maayos na kalagayan aniya ang mga ito, batay na rin sa sertipikasyon ng mga sumuling doktor.