-- Advertisements --

Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low pressure area (LPA) na namataan sa layong 430 kilometro silangan-hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Ayon sa pinakahuling datos, may mataas na posibilidad itong lumakas at maging isang tropical depression sa mga susunod na oras.

Ang naturang LPA ay inaasahang magdadala ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at mga pagkidlat-pagkulog sa mga rehiyon ng Eastern Visayas, Caraga, at ilang bahagi ng Mindanao.

Posibleng magdulot ito ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga nasa low lying areas.

Samantala, ang Southwest Monsoon o habagat ay patuloy na nakaaapekto sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon.

Dahil dito, inaasahan ang mga pag-ulan sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Occidental Mindoro, at Palawan. Bagama’t hindi ito dulot ng LPA, pinapayuhan pa rin ang publiko na maging alerto sa posibleng epekto ng malalakas na buhos ng ulan.

Ayon sa ahensya, wala pang itinaas na gale warning sa mga baybaying-dagat ng bansa, ngunit pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat sa paglalayag, lalo na sa mga lugar na apektado ng habagat.

Patuloy ang monitoring ng ahensya sa galaw ng LPA, na kung sakaling lumakas ay tatawagin bilang “Bagyong Jacinto,” ang ika-sampung tropical cyclone na papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taon.