-- Advertisements --

Nanawagan si Senate Blue Ribbon Committee Vice Chairman Erwin Tulfo sa Department of Justice (DOJ) na magsampa ng kaso laban sa mga kontratista, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ilang politiko na sangkot umano sa mga “ghost” at palpak na flood control projects.

Binigyang-diin ni Senator Tulfo, Nagnakaw sila ng trilyong piso mula sa sambayanang Pilipino, kaya dapat silang managot.

Aniya pa, ang mga ibinunyag nina Pangulong Bongbong Marcos at Senador Panfilo Lacson hinggil sa ghost at substandard projects ay sapat nang batayan para kasuhan at ipakulong ang mga sangkot.

Dagdag ni Tulfo, Kung ang isang shoplifter ay maaaring makulong dahil sa pagnanakaw ng wala pang isang daang piso, lalong dapat maparusahan ang mga nangulimbat ng trilyong pisong pondo ng bayan. 

Batay sa ulat ng DPWH, aabot sa ₱1.2 trilyon ang nagastos para sa mga flood control projects mula 2011 hanggang sa kasalukuyan.

Isiniwalat naman ni Pangulong Marcos na 15 kontratista lamang ang nakakuha ng 20% ng mga proyektong ito na katumbas ng humigit-kumulang ₱100 bilyon.

Kabilang sa mga kontratistang umano’y nagpaparenta lamang ng kanilang lisensya ay ang Legacy Construction Corp., Alpha and Omega General Contractor and Development, St. Timothy Construction, EGB Construction, at Road Edge Trading & Development Services.

Samantala, tatlong kontratista naman ang sangkot umano sa ghost projects sa Bulacan, ayon sa ibinunyag ni Senador Lacson. Ito ay ang Wawao Builders, SYMS Construction, at Darcy and Anna Builders.