-- Advertisements --

LA UNION – Nagpasaklolo na sa Commission on Human Rights (CHR) ang pamilya ng construction worker na umano’y biktima ng summary execution ng ilang pulis ng Aringay, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Aleng Virgilia Papa ng Barangay Salcedo, Luna, La Union, ina ng biktima na si Carmarx Papa, sinabi nito na hindi pa rin nila tanggap ang pagpatay sa anak.

Noong February 10, 2020 ng gabi aniya ay sinundo umano ng kapitan at tanod ng Barangay Sta. Lucia, Aringay ang anak nito at dinala sa himpilan ng pulisya dahil sa reklamong panggagahasa.

Nabatid rin ni Aleng Virgilia na nawawala na si Carmarx noong February 11 kaya kinabukasan ng Febuary 12 ay nagsadya ang mga ito sa Aringay Police Station.

Ayon pa kay Aleng Virgilia na nasambit umano ng nakausap nilang pulis na nakatakas ang anak nito at maaring magpapakita pagkalipas ng isang buwan.

Ngunit natagpuan umano ang bangkay ni Carmarx noong Febuary 13 ng hapon sa Barangay San Pascual sa bayan ng Tuba, Benguet na sugatan ang katawan at balot ng masking tape ang mukha.

Samantala, kailangang managot ayon naman kay Celia Manalang na tiyahin ni Carmarx ang mga resposable sa pagpatay sa biktima.

May magpapatunay at tatayong saksi aniya na pinahirapan umano ng pulis ang kanyang pamangkin kaya hindi ito naniniwala na magawa pang makatakas.

Sabi pa ni Manalang, isang “Romero” at ang kasama nito sa naturang police station ang umano’y nambugbog kay Carmarx bago naipabalita na ito ay nawawala.

Hindi rin naniniwala ang mga kaanak ni Carmarx na magagawa nito ang manggahasa ng isang bata.

Kahapon lamang ay nagtungo ang pamilya ng biktima sa CHR upang humingi ng tulong sa pagsisiyasat.

Umaasa ang pamilya ng biktima na makakamit nila ang inaasam na katarungan at mapapanagot ang mapapatunayang nagkasala.