Pinalaya na si Maximo “Kuya Max” Londonio, isang Filipino green card holder, mula sa Northwest Detention Center (NWDC) sa Tacoma, Washington, ayon sa mga immigrant rights advocates noong Biyernes.
Si Londonio, 42 taong gulang, ay na-detain ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE) matapos bumalik mula sa isang family visit sa Pilipinas noong Mayo 16. Isang lead forklift driver sa Olympia, Washington, si Londonio ay naninirahan noon sa U.S. mula noong siya’y 12 taong gulang palang.
Ipinagdiwang ng kanyang pamilya, mga kasamahan mula sa IAM Local 695, at miyembro ng Tanggol Migrante Network ang kanyang paglaya sa labas ng detention center bilang pagpapakita ng suporta at pakikiisa sa iba pang detainees na nahaharap sa “di makataong” kalagayan.
“Maraming salamat sa suporta ninyo. Malaking pasasalamat sa Tanggol Migrante—mula umpisa hanggang dulo, nandiyan kayo,” ani Londonio.
Ayon sa press release ng Tanggol Migrante, tinanggihan ng pamilya Londonio ang tulong ng Philippine Consulate sa court hearing. Giit naman ng Philippine Consulate General sa San Francisco, matagal na nilang mino-monitor ang kaso at nakikipag-ugnayan sila sa pamilya at sa ICE.
Tinawag ng Tanggol Migrante ang paglaya ni Londonio bilang isang “tagumpay” sa kanilang patuloy na laban para sa karapatan ng mga migranteng Pilipino sa Amerika. Kasama rin sa kanilang ipinagtagumpay kamakailan ang paglaya nina Michelle, Lewelyn Dixon, at Rodante Rivera, pawang mga green card holders.