-- Advertisements --

Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kaso ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Bise Presidente na kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands para bisitahin ang dating Pangulo sa kaniyang detention facility sa ICC, na dapat iprayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Pilipinong naiipit sa Israel at Iran.

Nakakalungkot din aniyang malaman na gagamitin ng pamahalaan ang pondo ng bayan para sa mga testigo laban sa kaniyang ama sa halip na gamitin ang pera para tulungan ang mga kababayang Pilipino na naiipit sa kaguluhaan sa Israel at Iran.

Muling nagpatutsada din ang Bise Presidente sa gobyerno na puro politika lamang at paninira ang prayoridad at hindi ang mamamayang Pilipino.

Subalit una ng nilinaw ng Malacañang na ang pagtulong ng pamahalaan sa mga testigo laban sa kaso ng dating Pangulo sa ICC ay hindi direktang pakikipagtulungan sa international tribunal kundi ito aniya ay pagtulong sa kapwa Pilipino.