Napuna ni Senador Ping Lacson ang hindi patas at baluktot na alokasyon ng 2025 national budget para sa flood control project.
Ayon sa senador, napansin niya raw ang malaking pondo para sa isang maliit na barangay sa napakaliit na bayan na binuhusan ng P1.9 bilyon. Bukod dito, ang isa pang bayan ay mayroong appropriation na halos P10 bilyon.
Titiyakin daw ni Lacson na sa pagbubukas ng 20th Congress ay maayos na itong tumatakbo kung saan binubusisi niya at ng kanyang tanggapan ang mga item sa budgets para sa 2023, 2024, at 2025.
Bago raw kasi natapos ang kanyang termino bilang senador noong 2022, siniguro niya at ni dating Senador Franklin Drilon na maalis ang appropriation para sa dredging at flood control projects, dahil ito ang ugat ng katiwalian.
Dagdag nito, may nakuha rin daw siyang impormasyon na ang backhoe para sa flood control program ay ginagamit lamang kung may nag-inspeksyon, at naka-parade rest kung nakaalis na ang inspection team.
Sa huli, nagpahayag ng pagkadismaya si Lacson dahil aniya idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) — ang PDAF ng mga senador ay P200 milyon at ang PDAF ng taga-Kamara ay P70 milyon.
Ngayon, pagsisiwalat nito, may mga senador na mayroong P5-10 bilyon, at ilang myembro ng Kamara ay may P15 bilyon.
Inilarawan ni Lacson ang sitwasyon ng bayan kung saang gumagastos ito ng P16 bilyon nguni’t kumikita lang ng P12 bilyon kada araw, kung kaya’t kailangan nitong mangutang ng P4 bilyon kada araw.