-- Advertisements --

Kinondena ng West Philippine Sea (WPS) Bloc ng Kongreso ang panibagong pangha-harass ng mga barko ng China sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) at Escoda Shoal.

Ang mga barkong nangha-harass ay mula sa Chinese Coast Guard (CCG), People’s Liberation Army Navy, at Chinese maritime militia.

Ayon sa grupo, hinarang at pinigilan ng mga barko ng China ang mga barko ng Pilipinas na nagdadala sana ng suplay sa mga mangingisdang Pilipino.

Sinabi ng WPS Bloc na palusot lamang ng China ang pagprotekta sa “environmental reserve” bilang dahilan ng pangha-harass.

Binatikos din ng grupo ang mapanganib na aksyon ng China na naglalagay sa peligro ang buhay ng mga tauhan ng gobyerno at mga mangingisdang Pilipino.

Iginiit nila na ang Bajo de Masinloc at Escoda Shoal ay bahagi ng pangisdaan ng Pilipinas at sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Dagdag pa nila, ang paulit-ulit na pangha-harass ng China ay nagpapakita na binabaliwala nito ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Ruling.

Tiniyak ng WPS Bloc ang kanilang suporta sa mga mangingisda, mga komunidad sa baybayin, at sa mga frontliner tulad ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.