-- Advertisements --

Iminungkahi ng International Criminal Court (ICC) Registry na isang independent expert at hindi ang medical officer ng detention center ang magsuri kung fit si dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis.

Sa inilabas na dokumento noong Setyembre 30, tinugunan ng ICC Registry ang hiling ng depensa ng dating Pangulo na i-adjourn indefinitely o ipagpaliban nang walang katiyakan kung kailan ipagpapatuloy ang mga pagdinig, dahil umano sa cognitive impairment na pumipigil sa kanyang pagdalo sa paglilitis.

Nilinaw ng ICC Registry na tungkulin lamang ng medical officer ang pag-aalaga sa mga nakakulong, at hindi ang pagsusuri ng kanilang mental competence. Kaya’t inirekomenda nitong isang eksperto mula sa ICC roster ang magsagawa ng masusing medical evaluation.

Dagdag pa rito, maaaring isumite sa korte ang medical records ni Duterte subalit dapat may pahintulot ito upang mapanatili ang pagiging confidential ng impormasyon.

Sa ngayon, hinihintay pa ng ICC Pre-Trial Chamber kung ipagpapaliban ang mga pagdinig habang isinasagawa ang karagdagang pagsusuri sa kalusugan ng dating Pangulo ng Pilipinas.