Iginiit ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa Korte Suprema na ang petition para sa habeas corpus ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi pa moot o hindi pa nawawala ang bisa ng petisyon sa kabila ng paglilipat sa kaniya sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa memorandum ng nakababatang Duterte, sa pamamagitan ni Atty. Harry Roque, mahalaga pa rin ang judicial intervention upang suriin ang legalidad ng pag-aresto at summary extradition, na umano’y void ab initio o labag sa batas mula pa lamang sa umpisa.
Ipinaliwanag din ng kongresista na ang habeas corpus ay nagiging moot o academic lamang kung: ang taong iniuugnay sa deprivation of liberty ay nasa kustodiya ng legal na kautusan ng korte, kusang loob na umatras ang petitioner, kung nakalaya na ang dating pangulo at kung kinumpirma ng korte ang kanyang paglaya.
Iginiit ng mambabatas na nilabag ng arrest warrant ang Konstitusyon, lalo na at umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2018, at naging pormal noong 2019.
















