Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng malapit sa bulkang Mayon na manatiling alerto at lumikas sakaling ipag-utos ng mga awtoridad sa gitna ng kamakailang pag-alburuto ng bulkan.
Sa isang statement, sinabi ng DSWD na bagamat nakahanda itong magbigay ng kaukulang tulong para sa mga apektadong residente, hinihimok ang mga ito na manatiling alerto at maiging imonitor ang mga development kaugnay sa bulkan.
Pinayuhan din ng ahensiya ang mga residente na ihanda ang mahahalagang gamit at iprayoridad ang kaligtasan ng lahat lalo na ng mga bata, matatanda at persons with disabilities (PWDs).
Una na ngang itinaas sa alert level 3 ang bulkang Mayon nitong Martes matapos tumaas pa ang volcanic activity nito kabilang ang naobserbahang uson mula sa summit ng bulkan na naglabas ng ash clouds.















