Binalaan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang dating opisyal ng DPWH na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez na maaari silang kasuhan ng perjury kung iurong nila ang kanilang mga sworn statements sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ani Lacson, na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang pagre-recant ay maaaring magdulot sa kanila ng kriminal na pananagutan sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code, na pinalakas ng RA 11594. Maaari silang patawan ng prision mayor (6 years 1 day hanggang 12 years), multa na P1 milyon, at permanenteng diskwalipikasyon sa pagganap ng tungkuling pampamahalaan.
Itinakda ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Enero 19. Ayon kay Lacson, kahit may iurong na testimonya, hindi nito awtomatikong babagsak ang kaso dahil mayroon nang circumstantial at documentary evidence na nakalap laban sa mga sangkot, kabilang ang budget documents na nag-uugnay sa ilang opisyal at mambabatas sa mga proyekto.
Dagdag pa niya, may kasabay nang imbestigasyon ang Department of Justice sa posibleng kriminal na kaso, habang ini-freeze ng Anti-Money Laundering Council ang bank accounts ng ilan sa mga sangkot.
Binanggit din ni Lacson ang turnover ng pera at sasakyan nina Alcantara at Hernandez bilang posibleng pag-amin ng pagkakasala. Hindi rin niya isinasantabi ang posibilidad na may komunikasyon na ang ilang sangkot sa mga dating DPWH official sa pamamagitan ng kanilang mga abogado. (report by Bombo Jai)
















