-- Advertisements --

Sinimulan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) ang pagtalakay sa posibleng umento ng minimum na sahod para sa mga kasambahay sa Metro Manila.

‘Yan ay upang pag-aralan ang posibleng wage adjustment para sa mga kasambahay.

Ayon kay Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region Chairperson Sarah Buena Mirasol, posibleng maglabas ng desisyon ang ahensya sa Enero 15.

Kasama sa mga dumalo sa pagdinig ang kinatawan ng pamahalaan, labor groups, employer sector, at mga kasambahay.

Dagdag rito, isinasaalang-alang umano ng wage regulatory board ang iba’t ibang salik ng pagbabago sa umento tulad ng cost of living, inflation, at kakayahang magbayad ng mga employer.

Binigyang-diin pa ni RTWPB-NCR Chairperson Mirasol, hindi tulad ng formal sector, ang mga employer ng kasambahay na karaniwang kapwa manggagawa rin at hindi mga negosyante.

Batay sa datos ng ahensya, umaabot sa humigit-kumulang P9,000 ang average na buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila—mas mataas sa kasalukuyang minimum na P7,000 na itinakda sa ilalim ng pinakahuling wage order na ipinatupad noong Enero 4, 2025.

Sa kasalukuyan, umaasa ang board sa datos mula sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) habang hinihintay pa ang mas detalyadong resulta mula sa rider questions hinggil sa mga kasambahay na inaasahang ilalabas sa huling bahagi ng taon.

Nagbigay babala naman ang mga employer na higit na mararamdaman umano ang umento para sa kasambahay ng mga middle at low-income households kung saan maaaring magtulak umano sa ilang pamilya na huwag nang kumuha ng kasambahay o hindi susunod sa batas.