-- Advertisements --

Pinalagan ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima ang pagkukumpara ni Senate President Vicente Sotto III sa kanyang naging pagliban noon at kay dating Sen. Antonio Trillanes IV sa matagal na pagliban ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado.

Ayon kay De Lima, malinaw ang kaibahan nila ni Trillanes kunpara kay Sen. Dela Rosa dahil sila’y nasa kulungan noon at hindi kusang-loob ang hindi pagdalo, habang si Dela Rosa ay boluntaryong hindi nagpapakita matapos lumutang ang mga ulat hinggil sa posibleng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

Binigyang-diin ni De Lima na ang mga kasong isinampa sa kanya ng administrasyong Duterte ay naibasura na, at kahit nakakulong mula 2017 hanggang 2023, patuloy siyang nagtatrabaho bilang Senador, naghahain ng mga panukalang batas at humihiling na makadalo sa mga sesyon sa pamamagitan ng video conference.

Sa huli, iginiit ni De Lima na huwag silang gawing dahilan sa hindi pagdisiplina sa aniya’y delinkwenteng Senador.

Matatandaang hindi na nagpapakita si Dela Rosa sa Senado mula pa noong Nobyembre 2025 matapos isiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may ICC warrant umano laban sa kanya kaugnay ng war on drugs.

Maging sa mga bicameral conference committee meetings ay hindi rin dumalo ang Senador.