Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Duterte na maglabas ng panibagong medical report na nakatuon sa pagtukoy ng kaniyang pagiging “flght risk” at banta sa mga testigo sa gitna ng paglilitis sa inaakusang crimes against humanity laban sa kaniya.
Base sa desisyon ng chamber, iginiit nito na walang nakikitang rason para ipag-utos sa 3-member panel ng medical experts na mag-produce ng panibagong report nang lagpas sa kanilang mandato.
Sinabi rin ng chamber na ang medical expert panel ay itinalaga lamang para sa limitadong layunin na magbigay ng independent assessment sa medical condition ng dating Pangulo kung “fit to stand trial” siya o hindi sa pre-trial proceedings.
Maliban dito, natupad o natapos na aniya ng panel ang kanilang mandato nang isumite nila ang kanilang report na maaaring ma-access ng depensa.
Ang panibagong ruling ng ICC Pre-trial chamber ay bilang tugon sa hiling ng kampo ng dating Pangulo noong Disyembre 19, 2025 para ipag-utos sa medical expert panel sa “urgent basis” na magpokus sa pagsuri kung nagpapakita ng “flight risk” ang dating Pangulo at banta sa kaligtasan ng mga testigo sa kabila pa ng kaniyang umano’y deteriorating cognitive condition.
Hiniling ito ng depensa matapos na magsumite ang panel ng kanilang solo at joint reports na naglalaman ng medical assessment sa kondisyon ni Duterte habang nakakulong sa ICC detention facility sa The Hague, Netherlands.
















