-- Advertisements --

Umalma ang ilang debotong maagang pumila para sa ‘Pahalik’ ng Itim na Poong Hesus Nazareno sa Quirino Grandstand sa Lungsod ng Maynila ngayong Miyerkules, Enero 7, 2026, bunsod ng ilang pagbabagong ipinatupad sa oras ng pagsisimula ng aktibidad.

Sa pag-iikot ng Bombo Radyo sa Grandstand, kapansin-pansin ang mahabang pila ng mga debotong naghihintay na makapasok sa lugar kung saan nakalagak ang imahen ng Poong Nazareno.

Ayon sa ilang debotong nakausap ng Bombo Radyo team, may mga pumila pa umano mula pa noong nakaraang araw dahil sa layo ng kanilang pinanggalingan, upang makalahok lamang sa ‘Pahalik.’

Ibinahagi ni Gil Barbadillo, isa sa mga debotong maagang pumila kasama ang kanyang mga kaanak na pawang senior citizen, ang kanyang pagkadismaya nang malaman na alas-7:00 pa ng gabi magsisimula ang ‘Pahalik.’

Aniya, “Taon-taon naman, madaling-araw pagdating ni Señor Nazareno ay umpisa na [ng Pahalik].”

Hiniling din ni Barbadillo sa pamunuan ng Simbahang Katolika na pahintulutan munang makahipo ang mga naunang pumila, lalo na ang mga matatandang deboto na hirap nang maghintay ng mahabang oras.

“Marami nang tao ngayon. Kung aagahan nila ang pagbubukas, makakauwi na ‘tong mga ‘to. Hindi na gano’n magbi-build up ng gano’n karami. Sana isipin nila ang kapakanan ng mga matatanda kasi ang daming senior,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Barbadillo, nararapat sanang mas maaga itong ipinaalam sa mga deboto. “Dapat sana kung may adjustment, sa simbahan pa lang sinasabi na.”

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng Quiapo Church kaugnay ng reklamo ng ilang deboto. Gayunman, ayon sa ilang miyembro ng Hijos del Nazareno na nasa Quirino Grandstand, sinusunod lamang umano nila ang itinakdang iskedyul.

“Sinusunod lang po namin kung alin ang ibinaba sa amin. Nakapag-post naman po, kaugnay ng pagbabago ng oras ng Pahalik.”

Ang ‘Pahalik’ ay isa nang matagal na tradisyon ng mga Pilipinong deboto, kung saan hinahayaang humalik at humipo sa imahen ng Poong Nazareno bilang pagpapahayag ng pananampalataya.

Bago ang ‘Pahalik,’ magsasagawa muna ng banal na misa alas-6 ng gabi para sa mga volunteer at kawani ng Nazareno.

Matatandaang pansamantalang ipinatigil ang Pahalik noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 at pinalitan ng “Pagpupugay,” kung saan ipinagbabawal ang paghipo at paghalik sa imahen bilang pagsunod sa health protocols.

Samantala, inanunsyo ng Manila Police District (MPD) ang pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada simula alas-7 ng gabi ngayong Miyerkules upang bigyang-daan ang aktibidad. Kabilang sa mga isasara ang bahagi ng Independence Road, Katigbak Drive, at South Drive. Mananatiling bukas ang isang linya sa Katigbak Drive at South Drive para sa access papunta sa Manila Hotel at H2O Hotel.patungong Quiapo Church sa Biyernes, Enero 9.

Noong nakaraang taon, umabot sa tinatayang 8.12 milyong deboto ang dumalo sa Kapistahan ng Itim na Nazareno, ayon sa Quiapo Church.