-- Advertisements --

Tiniyak ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na magpapatuloy ang ginagawa nitong imbestigasyon at pag-uusig sa mga krimen nang may kalayaan at walang pinapanigan sa gitna ng leave of absence ni Lead Prosecutor Karim Khan.

Maalalang kusang bumaba si Khan kasunod ng imbestigasyong ikinasa ng United Nations sa umano’y sexual misconduct na kaniyang kinasasangkutan.

Kasabay nito ay itinalaga sina Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang at Deputy Prosecutor Nazhat Shameem Khan bilang pansamantalang mamumuno sa Office of the Prosecutor (OTP) at mangunguna sa mga nakabinbing trabaho ng naturang opisina, kabilang na dito ang imbestigasyon at pag-uusig kay dating Pang. Rodrigo Duterte na nahaharap sa crimes against humanity.

Ayon sa OTP, nananatili ang commitment nitong epektibong makapagbigay ng hustisya para sa mga biktima ng mga krimeng saklaw ng Rome Statute sa lahat ng sitwasyon, sa buong mundo.

Binigyang-diin din ng naturang opisina ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng lahat ng aktibidad nito, salig sa misyon nitong mag-imbestiga at mag-usig sa mga serious crimes nang walang kinikilingan.

Maalalang bago ang leave of absence ni Khan ay kinumpirma nitong nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyong ginagawa sa Pilipinas, kaugnay sa kasong kinasasangkutan ni dating Pang. Duterte.

Sa ilalim ni Khan ay nagawang mailabas ang warrant of arrest ng mga malalaking personalidad sa buong mundo tulad nina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, Israeli Defense Minister Yoav Gallant, Hamas leader Yahya Sinwar, Russian Pres. Vladimir Putin, dating Pang. Duterte, atbpa.