-- Advertisements --

Pormal nang hiniling ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na pagtibayin ang hurisdiksiyon ng korte sa crimes against humanity charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay sa kabila pa ng pagkalas na ng Pilipinas mula sa Rome Statute.

Sa 22 pahinang brief na inihain nitong Disyembre 8, ikinatwiran ng Prosecutor na ang mandato ng korte na imbestigahan ang pagpatay ng maraming sibilyan ay nananatiling buo dahil sa isinasagawa na ang legal proceedings bago pa man opisyal na kumalas ang PH mula sa international body.

Ang naturang dokumentong inihain ng Office of the Prosecutor ay bilang tugon sa hakbang ng legal team ni dating Pangulong Duterte na ibasura ang kaso dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon sa pinagmulang bansa ng former president.

Subalit, sa panig ng Prosecutors, iginiit nito na base sa founding treaty ng korte na Article 127 ng Rome Statute, walang estado ang dapat na ma-discharge dahil sa pag-withdraw mula sa mga obligasyon sa Statute habang ito ay isang “State Party” at binigyang diin na hindi mabubura ang awtoridad ng korte sa mga nakalipas na krimen sa pagkalas ng isang estado.

Nanindigan din ang Prosecutors na umalis ang Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration mula sa Statute habang nagpatuloy ang kampaniya ng umano’y pagpatay.

Ikinatwiran din nila na dapat panatilihing balanse ng korte ang karapatan ng estado para umatras sa statute at ang pagiging epektibo ng orihinal na desisyon nito para mapabilang sa treaty para sa proteksiyon ng mamamayan nito.

Sa huli, hinimok ng Prosecutors ang Appeals Chamber na ibasura ang apela ng depensa at payagang magpatuloy ang imbestigasyo sa war on drugs ng dating Pangulo ng Pilipinas.