-- Advertisements --

Hiniling ng Office of the Prosecutor and the Office of Public Counsel for Victims (OPCV) sa International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na ibasura ang apilang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukuwestiyon sa jurisdiction ng ICC sa kaniyang kaso.

Base sa pleading na pirmado ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, ng Office of the Prosecutor na marapat na ibasura na ng ICC Appeals Chamber ang apila dahil bigo silang mapatunayan na mayroong pagkakamali sa desisyon na nagtitiyak sa pagbaligtad ng kaso.

Dagdag pa nito na ang grounds ng apila ng legal team ni Duterte ay hindi tama at marapat na ituloy ang pagdinig.

Nagsumite rin ang OPCV na parehas na kasagutan ukol sa apila ng kampo ni Duterte.

Isinaad ni Principal Counsel Paolina Massidda ng OPCV na ang Article 127 (2) ng Rome Statue kung saan ang pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statue ay hindi pipigil sa ICC para mag-imbestiga dahil nagsimula ang kaso noong miyembro pa ang Pilipinas ng ICC.

Magugunitang hiniling ng legal team ni Duterte sa ICC na kung maari ay baligtarin ang ruling dahil sa usapin ng jurisdiction kung saan walang legal na basehan ang mga ito dahil sa hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas.

Kasalukuyang nakapiit si Duterte sa ICC dahil sa kampanya nito sa war on drugs mula noong ito ay alkalde ng Davao City at Pangulo ng Pilipinas.