-- Advertisements --

Bumuwelta si Nicholas Kaufman kay dating Sen. Antonio Trillanes IV kasunod ng isang Facebook post ng huli, kung saan kasama niya ang ilang opisyal ng International Criminal Court (ICC).

Ilang araw matapos ibasura ng ICC ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya, nag-post si Trillanes ng isang lumang larawan kasama ang dalawang hindi pinangalanang opisyal ng ICC. Makikita sa larawan na hawak ni Trillanes ang ilang dokumento.

Sa pahayag na inilabas ni Kaufman, tinukoy niya ang naging aksyon ni Trillanes bilang isang nakakatawang paraan upang ipakita na siya ay may malaking impluwensiya.

Inakusahan din ni Kaufman ang dating senador na sinasamantala ang mga walang kamalay-malay na opisyal ng ICC, na aniya’y nagpapakita ng political manipulation at naging daan upang tuluyang mailipat si dating Pangulong Duterte sa The Hague.

Tiniyak ng abogado na mabubunyag din ito sa tamang panahon.

Sa Facebook post ni Trillanes, nakalagay sa kaniyang caption ang katagang: “Salamat, ICC.”

Kasunod ng naging desisyon ng ICC nitong Nobyembre 28 ukol sa interim release ng dating pangulo, sinabi ni Trillanes na hindi na dapat pinapaasa ng mga lider ng Duterte camp ang kanilang mga tagasuporta.

Aniya, hindi na makakalaya ang dating pangulo bilang kabayaran sa libu-libong Pilipino na umano’y kaniyang pinapatay.