-- Advertisements --

Nanawagan si dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Cardinal Pablo Virgilio David sa publiko na maging kalmado sa gitna ng mga temptasyon ng madaliang mga solusyon sa iskandalo ng multibilyong korapsiyon sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa kaniyang homilya para sa ikatlong Simbang Gabi, sinabi ng Cardinal na dapat tularan ng mga mananampalataya ang halimbawa ni Joseph, na kusang piniling yakapin ang kalooban ng Diyos sa halip na magmadali.

Inihayag ng Cardinal na gaya ni Joseph, ang ating bansa ay nalagay sa madilim na sitwasyon. Aniya, dahil sa pagkadismaya sa sistematikong korapsiyon, na naging isang “talamak na kanser” dahil sa bilyun-bilyong ninakaw mula sa kabang yaman, na ayaw pa rin aniyang aminin ng mga sangkot na pulitiko at kontratista at sa madilim na sitwasyon na ito, nakakatuksong magpadalus-dalos ng desisyon.

Kaugnay nito, binigyang diin ng Cardinal na napakahalaga ngayong panahon na ito ang pahinga, tulog at pakikinig sa “bulong ng anghel.”

Sa pagtugon aniya sa kasalukuyang sitwasyon, binigyang diin ng Cardinal na mahalaga ang pagkakaroon ng tapang para harapin ang mga bagay na nais nating iwasan kalakip ng pagiging mahinahon.