Papangunahan ng Tri-committee ng House of Representatives ang pagkakasa ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y mga anomaliya sa flood control projects sa buong bansa.
Ang tri-committee ay kinabibilangan ng Committee on public accounts, public works and good government.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, inaantay pa nilang makumpleto ang mga miyembro ng naturang mga komite.
Maliban dito, inaantay pa ng Mababang Kapulungan ang buong listahan ng mga proyektong imprastruktura na inaasahang isusumite ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Saad pa ng mambabatas na saklaw sa imbestigasyon hindi lamang ang mga nakumpletong mga proyekto kundi maging ang mga hindi pa natatapos, naantala, substandard at ghost o hindi nagi-exist na mga proyekto.
Pagdating naman sa mga akusasyon ng korupsiyon na kinasasangkutan umano ng mga mambabatas, iginiit ni Rep. Ridon na ang responsibilidad para magpresenta ng konkretong ebidensiya ay nakasalalay sa mga indibidwal na nagbabato ng akusasyon.
Kinumpirma din ni Ridon na iimbitahan sina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kapwa nagbunyag ng umano’y korupsiyon sa infrastructure projects.