Tuluyang sinuspinde ng Department of Tourism (DoT) ang accreditation ng Berjaya Makati Hotel.
May kaugnayan ito sa paglabas sa quarantine facility ng hotel ng isang returning Filipino at dumalo pa sa party na kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.
Kinansela rin ng DoT ang permit ng Berjaya bilang multiple-use hotel dahil hindi umano nagawang pigilan ang kanilang guest na suwayin ang quarantine rules at hindi rin naman nagpasaklolo sa mga otoridad para mahabol ang kanilang guest na si Gwyneth Chua.
Kasabay nito, pinagbabayad din ng multa ang pamunuan ng Berjaya.
Matatandaang noong December 23, 2021, si Chua na binansagang “Poblacion girl,” na mula sa Estados Unidos ay umalis sa hotel quarantine para dumalo sa party at pumunta sa restaurant sa Poblacion, Makati City.
Noong December 27, nagpositibo ito sa COVID-19, gayundin ang mga kasama nito sa party at ilang customer at staff sa restaurant na pinuntahan nito.
Kahapon ay nakasuhan na si Chua, pati na ang kaniyang mga magulang at ilang tauhan ng hotel dahil sa paglabag sa “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act (RA 11332).
Samantala, sa panig naman ng Berjaya Hotel, naglabas sila ng official statement, kung saan sinasabing nadismaya sila sa mga pangyayari.
Ikinalungkot din daw nila ang mga akusasyon na walang basehan, kung saan tila hindi nabigyan ng importansya ang mga nagawa nilang pangangalaga sa nasa 150,000 quarantine guests, kahit hindi naman sila doktor o mga eksperto sa ganitong sitwasyon.