Maaari umanong maghain ng impeachment complaint ang mga mamamayan laban sa mga miyembro ng Korte Suprema.
Ito ang inihayag ni dating congressman at kasalukuyang Liberal Party (LP) acting president Lorenzo “Erin” Tañada III matapos na umani ng batikos mula sa publiko ang naging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na idineklarang labag sa batas ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Maaari aniyang i-cite bilang grounds sa reklamo ang paglabag sa Article XI ng 1987 Philippine Constitution na nagsasaad ng Accountability of Public Officers at naglalatag ng impeachment procedure, na maituturing na responsable sa paglabag sa Saligang Batas.
Kung hindi naman aniya, maaaring maging grounds ang betrayal of public trust para sa hindi pagpapairal ng Article XI.
Naniniwala naman si Tañada na hindi hahantong sa constitutional crisis ang paghahain ng impeachment complaint laban sa mga hukom ng Korte Suprema dahil nagawa na rin ito noon.
Subalit, nilinaw ni Tañada na hindi nila isinusulong ang naturang aksiyon laban sa korte kundi isa lamang aniya itong opsiyon na maaaring gawin ng mamamayan ng bansa.
Ang tanong aniya ngayon ay kung mayroon bang mambabatas mula sa Kamara de Representantes ang magi-endorso ng impeachment complaint kung sakali.
Ginawa ng dating mambabatas ang pahayag sa isang pulong balitaan nang matanong kung ano ang maaaring magawa ng mamamayan kung nakikita nilang unconstitutional ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Samantala, naniniwala din ang LP acting president na ang pag-archive sa articles of impeachment ay hindi nangangahulugang patay na ito kundi inilagay lamang ito sa library o vault na maaaring ilabas sakaling may makakaapekto sa kaso.