-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice na bantay-sarado nila ang bawat galaw o pagbyahe ni dating Department of Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan sa ibang bansa.

Ayon mismo kay Atty. Polo Martinez, tagapagsalita ng kagawaran, mayroon silang ‘real time monitoring’ at ‘reporting’ sa kilos ng naturang dating opisyal.

Aniya’y mahigpit nilang binabantayan ito sakali mang lumipad o magpalit ng lokasyon si former Public Works Sec. Bonoan mula Estados Unidos tungo ibang bansa at lugar.

Ibinahagi pa ni Atty. Polo Martinez, ang isinasagawang ‘real time monitoring’ ay sa tulong at katuwang ang Bureau of Immigration nito.

Kung kaya’t alinsunod nang mag-isyu at isailalim sa Immigration Lookout Bulletin ang dating opisyal kamakailan, pagtitiyak nilang bantay sarado na ang bawat galaw nito.

Buhat nito’y aminado ang Department of Justice na hindi kayang mapigilan si former Public Works Sec. Bonoan makalabas ng bansa.

Paliwanag kasi ni Atty. Polo Martinez, wala pang opisyal o pormal na kautusan para di’ mapahintulan bumyahe ang naturang dating kalihim.

Hindi lamang aniya ito para sa kanya kundi sinumang indibidwal na wala pang kinakaharap na ‘hold departure order’ ay may karapatan lumabas o magbyahe.

Ibig sabihin, makalaya pa ring makakaalis ng bansa ang mga sangkot sa flood control projects anomaly na nasa Immigration Lookout Bulletin pa lamang ng kagawaran.

Maaalalang una ng kinumpirma ng Department of Justice at Bureau of Immigration ang pag-alis ni former Sec. Bonoan palabas ng bansa.

Ayon kay Justice Spokesperson Martinez, patungo ito ng Amerika para samahan ang kanyang asawa sa isasagawang ‘medical procedure’ hanggang ika-17 ng Disyembre.

At kung hindi man bumalik ang naturang dating opisyal sa ibinahaging petsa, ipinauubaya na lamang raw ng kagawaran sa Estados Unidos ang posibilidad na pag-overstay ni Bonoan sa nabanggit na bansa.

Sa kasalukuyan ay wala pang pormal na kahilingan inihahain sa korte laban kay former Sec. Bonoan para mag-isyu ng hold departure order.

Isa ang naturang dating opisyal sa mga nasasangkot sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.

Kabilang rin siya sa mga inirerekumendang mapakasuhan ng Independent Commission for Infrastructure sa Office of the Ombudsman kaugnay sa ghost flood control sa lalawigan ng Bulacan.