-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagsisimula ng rehabilitasyon sa mga nasirang kalsada at imprastruktura matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan.

Sa situation briefing na ginanap sa PSC Command Operations Center, iniulat ni DPWH Secretary Vince Dizon na nakatutok na ang mga team sa clearing operations sa mga pangunahing kalsada sa Central Luzon, Cordillera Administrative Region, at Aurora. 

Sa tala ng pamahalaan, nasa 71 kalsada pa ang hindi madaanan dahil sa landslide at pagbaha.

Kasabay nito, patuloy naman ang relief distribution sa mga lugar na pinakatinamaan ng bagyo tulad ng Bicol, Quezon, at Camarines Sur.

Iginiit naman ng Pangulo na dapat ipagpatuloy ng lahat ng ahensya ang pagbabantay sa lagay ng panahon at pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan hindi lamang ng Super Typhoon Uwan kundi maging ng naunang bagyong Tino.

Tiniyak ng Malacañang na tuloy-tuloy ang koordinasyon ng mga ahensya upang masigurong mabilis ang pagbabalik ng normal na pamumuhay ng mga mamamayan sa mga apektadong probinsya.