-- Advertisements --

Iniulat ng embahador ng Iran sa United Nations (UN) na umabot na sa 1,332 sibilyan ang nasawi sa patuloy na labanan ng Iran laban sa Israel at Estados Unidos, habang libo-libo pa ang nasugatan.

Sinabi ni Iranian UN Ambassador Amir Saeid Iravani na karamihan sa mga nasawi ay sibilyan at iginiit niyang sinadya umano ng Israel at US na targetin ang mga imprastraktura ng sibilyan.

Ayon sa kanya, mga military site lamang ang tinatarget ng Iran sa kanilang mga pag-atake.

Gayunman, pinabulaanan ito ng Amerika at Israel at sinabing Iran ang umaatake sa mga sibilyan.

Nilinaw din ni Iravani na hindi target ng Iran ang mga interes ng mga kalapit na bansa.

Sinabi niyang iniimbestigahan ng kanilang pamahalaan ang mga ulat na may ilang pag-atake na tumama sa military site ng US sa Golf region.

Posible umano na ang ilan sa mga insidente ay dulot ng interception ng US defense system na maaaring nagpalihis sa orihinal na target ng mga missile.

Samantala, nanawagan si US President Donald Trump ng “unconditional surrender” o agarang pagsuko ng Iran at iginiit na dapat maging katanggap-tanggap ang susunod na lider ng bansa matapos mapatay ang Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei sa unang araw ng digmaan.

Sinabi rin ni Trump na nais niyang magkaroon ng papel sa pagpili ng susunod na lider ng Iran.

Kinontra naman ng Iran ang pahayag ni Trump at sinabing ito ay pakikialam sa panloob na usapin ng kanilang bansa.

Ayon kay Iravani, ang pagpili sa susunod na lider ng Iran ay isasagawa alinsunod sa kanilang konstitusyon at kagustuhan lamang ng mamamayang Iranian.

Samantala, inihayag ng pangulo ng Iran na may ilang bansa na umanong mamagitan upang matigil ang labanan.

Sa hiwalay na ulat, sinabi ng dalawang opisyal ng US na naniniwala ang mga imbestigador na posibleng US forces ang responsable sa pag-atake sa isang girls’ school sa Iran na ikinamatay ng maraming bata, bagaman wala pang pinal na konklusyon ang imbestigasyon.