-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice na nasa ligtas na kalagayan ang lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’ o may tunay na pangalang Julie Dondon Patidongan.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa kabila ng umano’y inihayag ni Totoy na banta sa kanyang seguridad, pagtitiyak ng kalihim na ito’y ligtas sa kasalukuyan.

May proteksyon naman aniya’ng ibinibigay para kay Patidongan upang seguraduhin ang kanyang kaligtasan lalo pa’t isa sa siya sa mga lumntad na testigong hawak ng kagawaran.

Bunsod nito’y inihayag pa ni Justice Secretary Remulla na kanilang minamadali na ang pagproseso rito upang maisailalim na si alyas Totoy sa Witness Protection Program.

Sa pamamagitan raw aniya kasi ng programa ay mas mabibigyan ng proteksyon si Patidongan sapagkat meron itong kalakip na pondo para sa kanyang seguridad.

Kanya pang sinabi na sandali lamang raw itong maaaprubahan sa oras na maisampa na sa Korte bilang kaso ang mga reklamo kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.

Kaugnay pa rito, umaasa ang naturang kalihim na hindi na tatagal pa at matatapos na ang isinasagawang ‘evaluation’ ng prosekusyon ng kagawaran sa mga reklamong inihain ng mga kaanak kontra sa umano’y mastermind.

Sa kasalukuyan kasi ay nasa ‘evaluation’ stage pa ang mga reklamong murder at serious illegal detention na isinumite sa Department of Justice.