Umapela si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang upang mapigilan ang pag-abuso sa paggamit ng mga online lending app, na inuugnay sa pagtaas ng mga kaso ng cybercrime at paglaganap ng online gambling.
Ayon kay Villanueva, ang regulasyong ipinapatupad ng BSP sa mga online lending app, electronic wallet, at digital banks ay dapat umanong magsilbing katuwang ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas sa pagpigil sa masasamang epekto ng online gambling.
Isinusulong din ng senador ang “total, unconditional ban” sa online gambling sa bansa.
Giit nito, kapag pinagsama ang iligal na online gambling at ang mapagsamantalang pautang ng mga online lending apps, tiyak na malulugmok sa kumunoy ang maraming Pilipino.
Aniya, mismong ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nakakita ng koneksyon sa pagtaas ng mga cybercrimes at paglaganap ng online gambling at online lending.
Ayon kay Villanueva, nakatanggap siya ng impormasyon na ang ilang manggagawa at mga pinuno na dati’y konektado sa ipinagbabawal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ay lumipat na umano sa mga online gambling operations.
Ilan sa mga dating POGO workers at bosses ay iniulat na humihingi ng electronic gaming licenses mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang ahensyang nangangasiwa sa mga operasyon ng sugal sa bansa.