-- Advertisements --

CEBU CITY — Napuno ng ngiti at pag-asa ang unang araw ng vaccination rollout sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) gamit ang COVID-19 vaccine na gawa mula sa Sinovac.

Tila makasaysayan ang araw na ito matapos na mabigyan ng unang shot ang VSMMC hospital chief na si Dr. Gerardo Aquino Jr. ng nasabing bakuna at ang nag-administer nito ay si Health Usec. Gerardo Bayugo.

Sinundan ito ng pagpabakuna kina DOH-7 Spokesperson Dr. Mary Jean Lorreche, IATF-Visayas Deputy Chief Gen. Melquiades Feliciano, at iba pang mga health officials sa Cebu.

Personal na sinaksihan ng ilang mga local chief executives ang ceremonial vaccination sa nasabing pagamutan gaya nina Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan, Mandaue City Mayor Jonas Cortes, Cebu City Vice Mayor Michael Rama, at iba pa.

Sa naging pagsisimula ng vaccination rollout, sinabi ni Dr. Aquino na buwis-buhay umano ang ginawa ng mga medical workers sa kasagsagan pa ng pandemya.

Ayon sa hospital chief na isang malaking karangalan ang maging bahagi ng makasaysayang pagpabakuna na syang hudyat upang tapusin ang gyera ng mga health workers laban sa COVID-19.

Umaasa ngayon si Aquino na magtitiwala ang publiko sa epekto ng nasabing bakuna ngayong nabigyan nito ang mga health workers, sa kabila ng pagdududa sa naging efficacy rate nito.