Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2026 nasa mahigit 423,000 housing units na ang naipatayo at na-finance sa ilalim ng Pabahay program ng pamahalaan.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pagdiriwang ng ika-7th anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kung saan muling iginiit ng palalakasin pa ng gobyerno ang Expanded Pambansang Pabahay Program o 4PH.
Layunin aniya ng pamahalaan na mapabilis pa ang konstruksyon gamit ang makabagong teknolohiya, kabilang ang pagbisita sa isang precast plant upang pabilisin ang produksyon ng mga bahay.
Ipinagkaloob din sa mga benepisyaryo ang symbolic keys, Certificate of Lot Award, tseke para sa Enhanced Community Mortgage Program (ECMP), at Certificate of Entitlement para sa mga saklaw ng Presidential Proclamation.
Binigyang-diin ng Pangulo dahil sa reporma sa Pagibig Fund, bumaba ang interes sa housing loans at mas marami ang nakinabang sa subsidiya ng pamahalaan.
Siniguro ng Pangulong Marcos, magtutulungan ang gobyerno at pribadong sektor upang mapalawak pa ang saklaw ng 4PH at matiyak na bawat pamilyang Pilipino ay magkakaroon ng ligtas, disente at abot-kayang tahanan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.










