-- Advertisements --

Nagsimula na ang Philippine National Police (PNP) ng nationwide manhunt laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ipinakalat na ang mga tracker team matapos payagan ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapatupad ng pag-aresto laban sa senador.

Sinabi ni Nartatez na inatasan ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance at sundin ang tamang proseso sa operasyon upang maprotektahan ang karapatan ng lahat ng sangkot.

Dagdag pa niya, kapag naaresto si Dela Rosa ay agad itong isasailalim sa kustodiya ng DOJ.

Samantala, hindi muna isiniwalat ng DOJ kung agad bang dadalhin si Dela Rosa sa The Hague, Netherlands, kung saan matatagpuan ang detention facility ng ICC.

Kinumpirma rin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na hawak na nila ang kopya ng ICC arrest warrant laban sa senador. Iginiit din ng CIDG na nasa Pilipinas pa rin si Dela Rosa sa kabila ng mga ulat na nakita umano ito sa Malaysia.

Nagbabala naman ang pulisya na maaaring kasuhan ng obstruction of justice ang sinumang tutulong o hahadlang sa pagpapatupad ng warrant.

Bukod sa PNP, nagsagawa rin ng hiwalay na operasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) upang hanapin ang senador.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, agad nilang aarestuhin si Dela Rosa kapag natunton nila ito.

Samantala, itinanggi ni Sen. Robinhood Padilla ang alegasyong tinulungan niyang makatakas si Dela Rosa mula sa Senado. Ayon kay Padilla, walang pumigil sa kanilang paglabas ng gusali at wala ring ipinakitang warrant mula sa lokal na korte noong mga oras na iyon.

Iginiit din ni Padilla na hindi niya itinuturing na “fugitive” si Dela Rosa at naniniwala siyang dapat manaig ang proseso ng batas sa Pilipinas.

Sa kabilang banda, sinabi ni dating PNP chief Nicholas Torre III na tungkulin ng mga pulis na ipatupad ang anumang legal na warrant at hindi sila dapat mamili kung sino ang aarestuhin.