Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang mga kaso ng Ebola sa Pilipinas.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo na malinaw na wala pang kaso sa bansa kayat wala aniyang rason para mag-panic ang mga Pilipino sa gitna ng napaulat na outbreak ng sakit sa Democratic Republic of the Congo.
Sa ngayon, mababa aniya na panganib na magkaroon ng kaso sa bansa dahil malayo tayo mula sa West Africa kung saan naitala ang ebola outbreak.
Inihayag din ng DOH official na walang inirekomenda ang World Health Organization (WHO) na anumang travel ban kayat hindi rin aniya ito ipatutupad ng bansa.
Gayunman, magpapatupad aniya ang Bureau of Quarantine ng mahigpit na screening sa mga biyaherong mula sa Democratic Republic of the Congo at Uganda.
Matatandaang nauna nang idineklara ng WHO ang Ebola outbreak sa nasabing mga bansa bilang public health emergency of international concern.
Samantala, iniulat ni USec. Domingo na pinag-aaralan na ng mga eksperto ng WHO ang posibleng lunas laban sa Bundibugyo virus na sanhi ng ebola outbreak gaya ng remdesivir, na ginamit noon bilang gamot kontra COVID-19.
Pinayuhan naman ng DOH official ang publiko na palakasin ang kanilang immunity para maiwasang mahawa ng naturang sakit, na naitra-transmit sa pamamagitan ng body fluids.
















