-- Advertisements --

Patuloy umano ang paggawa ng Department of Transportation (DOTr) at ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ng ilang mga paraan na makalikom ng pondo upang makabili ng karagdagang mga bagon para sa LRT -2.

Ngunit ayon sa pamunuan, na dahil aabutin umano ng tatlong taon o mahigit pa bago dumating ang mga bagong tren, ay naghahanap ng alternatibong paraan ang Department of Transportation upang maisaayos ang daloy ng pila ng mga pasahero sa bawat istasyon.

Ayon sa DOTr, walong tren lamang ang gumagana dahil ang isang bagon ay patuloy na sumasailalim sa Train Operating Control Panel upgrade, habang ang isa naman ay kinukumpuni pa rin.

Samantala, bilang solusyon habang naghihintay ng pondo na pambili ng bagong tren, iniutos ni Transportation Secretary Banoy Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at LRTA na pag-aralang mabuti ang pag-isyu ng special permits sa mga Public Utility Buses upang makapagbigay ng alternatibong sasakyan ang mga pasahero.

“Patuloy po ang paghahanap namin ng pondo para sa kailangang dagdag na tren para sa LRT-2. Kailangan na rin pong ma-upgrade ang iba nating tren. Pero habang ina-ayos po natin ito, naghahanap po tayo ng ibang paraan para maibsan ang pila sa mga istasyon at matulungan ang ating mga komyuter,” ani Sec. Lopez.

Layunin nito na makapagbigay ng alternatibong masasakyang ang mga komyuter at mabawasan ang matinding dagsa ng mga pasahero sa mga istasyon ng LRT-2 lalo tuwing sasapit ang peak hours.