-- Advertisements --

Nilinaw ng nagbitiw na kongresistang si dating 1Tahanan Party-list Rep. Nat Oducado na kalusugan at hindi ang kaniyang boto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ang dahilan ng kaniyang pagbibitiw bilang kongresista.

Ayon kay Oducado, ilang buwan na siyang nakararanas ng pagkahilo, madaling pagkapagod at kinakailangan pa niyang sumailalim sa medical checkup dahil may history ng sakit sa kanilang pamilya at mayroon din siyang asthma.

Si Oducado ay kabilang sa 257 mambabatas na bumoto pabor sa impeachment ni VP Sara kahit sinuportahan ng kaalyado ng mga Duterte na si Senador Bong Go ang kanilang partido noong 2025 elections.

Inamin niyang may ilang tagasuporta mula Cebu at Mindanao na nagtaka sa kaniyang boto ngunit nilinaw niyang walang pressure kaugnay ng impeachment na nagtulak sa kaniya para magbitiw.

Sa ngayon, hindi pa naman napagpapasyahan ng 1Tahanan kung sino ang papalit kay Oducado sa Kongreso.

Si Oducado ay nagsilbing vice chairman ng House committee on climate change, housing and urban development gayundin ng committee on national defense and security.

Maliban kay Oducado, nagbitiw din bilang kongresista si dating Pinoy Workers party-list Representative Franz Vicente Legazpi. Siya naman ay nagsilbing vice chair ng House land use panel.

Ang pagbibitiw ng dalawa ay alinsunod din sa “term-sharing” agreement nila sa kanilang mga kasamahang nominees sa kani-kanilang partido.