Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go, na dapat ang nakakaramdam sa paglago ng ekonomiya ng bansa ay ang mga manggagawang Pilipino matapos opsiyal na kilalanin ng world bank ang Pilipinas na kabilang sa upper-middle-income country.
Ayon kay Go, tila ironic aniya na sa kabila ng pagkilala ng world bank sa pag-usad ng ekonomiya ng bansa, lagpas sa kalahati pa rin ng pamilyang Pilipino o halos 14.5 Million na pamilya ang kinokonsidera na sila ay mahirap batay sa mga pag-aaral na isinagawa.
Dahil dito, iginiit ng senador na ang pagkilalang ito ay dapat magresulta ng pagbubukas ng mas maraming trabaho, maayos at tamang pasahod upang matutustusan ng pamilyang Pilipino ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Binigyang-diin din niya ang kasalukuyang hirap na dinaranas ng mga minimum wage earners dahil sa pagmahal ng mga bilihin dulot ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Kaugnay nito, muling kinondena ni Go ang inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Pasig City Regional Trial Court laban inaprobahang P85 sanang arawang umento para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Nanawagan ang senador sa korte na ikonsidera ang Article 126 ng Labor Code kung saan nakasaad na walang korte, tribunal o kahit anong ahensya ang maaring maglabas ng TRO laban sa proseso ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB).
Ipinunto din Go na ang P85 na taas pasahod ay mas mababa sa kaniyang panukalang P100 na wage hike para sa mga manggagawang Pilipino, hindi lang sa Metro Manila kundi sa lahat ng rehiyon sa bansa sabay ang panawagan sa Kongreso na ipasa na ang naturang panukala.
















