Pabor ang Malacañang sa panukalang mas patagalin pa ang araw sa pagsasagawa ng wiretapping sa mga inidibidwal na pinaghihinalaang terorista.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kulang ang 30 araw na pagwa-wiretap na itinatakda sa umiiral na Human Security Act.
Mas makabubuti aniyang palawigin ito ng hanggang tatlong buwan o 90 araw para mas mapalakas ang ebidensya laban sa isang pinaghihinalaang sangkot sa terorismo.
Hindi aniya ganoon kadali para makapagsagawa ng case build-up para matiyak na madidiin ang isang suspek at hindi na makalaya pa.
“Yeah, because it’s difficult when you wiretap tapos you want to prosecute. Kailangan may ebidensiya eh. It takes time eh. Kung thirty days lang, kulang,” ani Sec. Panelo. “Alam mo kasi, gaya ng sinabi ko kanina, it takes time to build a case against a particular individual.”
Ang pagsuporta sa mungkahi ng Department of National Defense ay ginawa ng Malacañang sa harap ng isinusulong na pag-amyenda sa Human Security Act of 2007 na layuning palawigin ang pagpapakulong sa isang suspected terrorist ng 90 araw mula sa kasalukuyang 60 araw.