-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maaari pa ring tulungan ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte at mga pamilya nito bilang mga Pilipino.

Paliwanag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na noong dinala ang dating pangulo sa The Hague, Netherlands ay nananatili ang kaniyang pagiging Pilipino, at karapatan pa rin niyang magawaran ng anumang assistance na maaaring ilapit ng DFA.

Sa katanungan kung maaaring manumpa si dating Pang. Rodrigo Duterte sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands, sinabi ni De Vega na maaari itong gawin ng embahada dahil ang naturang opisina ay nagsisilbing extension ng gobiyerno ng Pilipinas.

Gayunpaman, magiging malaking katanungan pa rin aniya kung papayagan ng International Criminal Court (ICC) na makalabas ang dating pangulo at bumiyahe patungo sa embahada upang manumpa bilang bagong halal na alkalde ng Davao City, lalo na at hindi na rin aniya miyembro ng ICC ang Pilipinas.

Tinukoy ng DFA official ang legal theory na ang kapangyarihan at otoridad ng embahada ay limitado lamang sa embassy premises.

Ibig sabihin, kailangang dalhin si Duterte sa embahada ng Pilipinas upang dito manumpa.

Maaalalang muling nagbulsa ng landslide win ang dating pangulo matapos siyang tumakbo muli sa pagka-alkalde sa Davao City. Ito ay sa kabila ng pagkakadetine niya sa ICC detention facility sa kasagsagan ng kampaniya hanggang botohan.

Samantala, kapwa nasa The Hague ang embahada ng Pilipinas at ang headquarters ng ICC.