-- Advertisements --

Kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando Artes na ninakaw ngayong linggo ng ilang mga kabataan ang kable ng kanilang CCTV Camera sa may bahagi ng Guadalupe Footbridge sa lungsod ng Makati. Aniya, isa ito sa ginagamit nila sa pag-monitor sa lugar para na No Contact Apprehension Policy o NCAP.

Ayon pa kay Artes, patuloy ang kanilang imbestigasyon at nangangalap ng mas malinaw na footage para matukoy ang mga sangkot. Naniniwala rin siya na hindi ito intensyunal na ginawa dahil ayaw nila sa NCAP bagkus gusto lamang ibenta ang kable ng CCTV Camera.

Nilinaw niya rin na hindi pinutol kung hindi ikinakabit pa lamang ang mga kable ng CCTV camera sa may Guadalupe foot bridge.

Sa kasalukuyan, inayos na nila ang CCTV sa naturang lugar para tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagmomonitor at tiniyak ni Artes sa publiko at mga motorista na ngayong taon, asahan na makakabit na ang nasa 1,200 CCTV Cameras na gagamitin para sa NCAP.