Nasa 2,360 katao o katumbas ng 480 pamilya ang apektado dahil sa habagat na pinalakas pa ng Bagyong Marilyn.

Ito ay batay sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), matapos lumabas na sa Philippine area of responsibility ang Bagyong Marilyn kagabi.

Sa inilabas na situational report ng ahensya ngayong Linggo ng umaga, ang mga apektadong indibidwal ay mula sa 14 barangays sa Regions 9, 11 at 12.

Sa nasabing bilang, 1,815 ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers habang ang tinatayang 545 ay piniling tumuloy sa kanilang mga kamag-anak.

Nasa 53 lugar naman ang binaha sa Region 3, 6 at 9.

Dahil sa malalaking alon, ilang kabahayan din ang nasira sa Barangay Poblacion, Maasim, Sarangani.

Sa South Cotabato, halos 40 bahay ang nasira.

Ayon sa NDRRMC, nagpapatuloy ang damage assessment ng kanilang mga regional officers hinggil sa pananalasa ng bagyo.