Tiniyak ng pamunuan ng Department of Agriculture na patuloy itong magbabantay sa posibleng magiging epekto ng bagyong Bising at habagat sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Sa isang pahayag ay sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa ngayon ay wala pang ulat hinggil sa malawakang pinsala dulot ng nagdaang bagyo.
Nakita rin ng ahensya ang malaking tulong ng mga pag-ulang dala ng bagyo sa mga sakahan na nagsisimula nang magtanim ng mga palay.
Tumaas rin ang lebel ng tubig sa mga dam na pangunahing pinagkukunan ng patubig sa mga irigasyon para sa mga magsasaka.
Ayon sa opisyal, mas mahirap aniya kung panahon ng anihan at may baha dahil makaka apekto ito sa produksyon .
Kaugnay nito ay tiniyak ni De Mesa na nakahanda ang lahat ng kanilang regional office sa posibleng maitatalang pinsala dulot ng nagdaang sama ng panahon.
Handa rin ang ahensya sa pagbibigay ng binhi, abono, gamot para sa hayop, at hanggang ₱25,000 pautang sa ilalim ng SURE program.
Ang pautang program na ito ay walang interes at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.