-- Advertisements --

NAGA CITY – Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Naga na ipinasailalim sa self quarantine ang mahigit 170 katao mula sa Bicol na kasama sa pilgrimage sa Israel.

Sa pagharap ni Naga City Mayor Nelson Legacion sa mga kagawad ng media, sinabi nitong otomatikong ikokonsidera bilang “persons under monitoring” ang nasa 172 katao na nakiisa sa nasabing aktibidad.

Ayon kay Legacion, unang dumating sa bansa ang tatlong grupo habang inaasahan ang pagdating ng ika-apat na batch ngayong araw.

Aniya, may mga una nang sumailalim sa self quarantine kung saan mahigpit itong minomonitor ng mga naatasang miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team para matiyak na hindi lalabas at gagala sa lungsod ang mga ito.

Nagpaalala naman ang alkalde na mahaharap sa karampatang multa at pagkakakulong ang sinumang hindi susunod sa kautusan sa ilalim ng Republic Act 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”.

Samantala, nanawagan ang opisyal sa ilan pang nakasama sa naturang pilgrimage na hindi pa nila natutukoy na kusa nang lumapit sa mga otoridad.