Ligtas na nakatawid patungong Jordan ang 21 opisyal ng pamahalaan na na-stranded sa Israel sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes.
Sa nasabing bilang, 17 ang dumalo sa training sa agricultural technology mula Hunyo 10 hanggang Hunyo 20. Kabilang dito ang dalawang kongresista, siyam na alkalde, apat na bise alkalde, at dalawang regional director. Kasama rin ang apat na espesyalista mula sa Department of Agriculture na may kinalaman sa industriya ng gatasan.
Ayon sa DFA, aktibong nakipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Tel Aviv sa embahada ng Pilipinas sa Jordan at sa mga kaukulang awtoridad upang maisakatuparan ang ligtas na pagtawid ng grupo.
Sinalubong sila ni Philippine Ambassador Wilfredo Santos sa King Hussein Border kung saan sila ay binigyan ng tulong, kabilang ang transit visa na walang gastos mula sa pamahalaan.
Inaasahan ng DFA na sa mga susunod na araw ay makakatanggap din ng unang grupo ng mga overseas Filipino workers ang embahada sa Jordan bilang bahagi ng evacuation efforts.
Samantala, sa isang panayam, sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola-Rau na lilipad patungong Dubai ang grupo bago bumiyahe pauwi ng Maynila.
Nagpapatuloy naman ang palitan ng opensiba sa pagitan ng Israel at Iran, na naglalagay sa panganib sa mga sibilyan at dayuhang nasa lugar ng kaguluhan.