Nagbitaw ng kanyang apela ang isang Constitution Law Expert na si Atty. Jennifer Arlene Reyes sa mga nakaupong hukom o senator judges hinggil sa isyu ng impeachment kontra kay Vice President Sara Duterte.
Kung saan hiniling nito sa mga naturang senador na kanilang pairalin ang kung ano ang nakasaad sa saligang batas at isantabi muna ang kanilang pansarilng interes, pati na rin ang pamumulitika.
Giit kasi niya na dapat walang kinikilingan ang mga ito sapagkat ang mandato ng konstitusyon ay inaasahang sila’y magdedesisyon ng naayon at batay sa aktwal na isasagawang paglilitis o impeachment trial.
Kaya’t binigyang diin nito na ang mga senator judges na siyang naatasang magbigay ng hatol sa ikalawang pangulo ay dapat isaalang-alang ang kanilang tungkulin bilang lingkod ng bayan.
Aniya’y, hindi raw dapat nilang irepresenta ang isang opisyal o kakampi sa pulitika kundi apela niya na ang taumbayan raw ang siyang prayoridad sa usaping ito.
Samantala, dahil naman sa isyu ng pagiging bias o may pinapanigan ang ilang mga senador, hindi maitatanggi ang usapin kung maari nga bang mapagbawalan ang mga ito na umupo bilang senator judges.
Kaya’t bunsod ng pangambang ito, binigyang linaw ng naturang eksperto sa saligang batas na sa kasalukuyan ay kulang ang naksaaad sa senate rules ng usaping impeachment.
Aniya’y walang nakapaloob sa alituntunin ng senado na siyang makapagsasabi o nagpapahintulot para ma-inhibit ang isang senador dahil sa kanyang pagpabor sa iisang panig.
Dahil dito’y inihayag ni Atty. Jennifer Arlene Reyes ang kanyang panawagan sa papasok na bagong kongreso.
Hiling niya na gumawa ang 20th congress ng panibagong mga alituntunin upang maibsan ang isyu ng pagiging ‘bias’ ng isang senador sa pagsasagawa ng impeachment trial kontra mga tiwali o akusadong opisyal ng pamahalaan.