-- Advertisements --

Isa sa bawat sampung bagong kaso ng naitatalang human immunodeficiency virus o HIV sa unang quarter ng taon ang nakuha sa pamamagitan ng transactional sex o pakikipagtalik ng may kapalit na halaga.

Batay sa inilabas na data ng HIV and AIDS Surveillance of the Philippines , lumalabas na aabot sa 5,101 HIV cases ang naitala mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.

Mula sa naturang numero, aabot sa 596 na kaso o katumbas ng 12 percent ang nakuha sa pamamagitan ng transactional sex sa loob ng nakalipas na 12 buwan.

Kinabibilangan ito ng mga nagbabayad at nagpapabayad para sa pakikipagtalik.

Mula noong naiulat ang transactional sex noong 2012, umabot na ngayon sa kabuuang 16,586 ang naitalang kaso.

Ayon sa Department of Health, 54% katumbas ng 8,962 mula sa kabuuang kaso ay may history ng transactional sex at na diagnosed mula noong 2020 hanggang 2025.

Una nang nanawagan ang DOH sa Malacanang na magdeklara ng Health Emergency para matugunan ang patuloy na pagtaas ng HIV Cases sa bansa.