-- Advertisements --

Ititigil na ng gobyerno ng Estados Unidos ang pagpopondo sa mga programa laban sa pagkalat ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) at AIDS sa South Africa.

Para sa kabatiran ng publiko, kasalukuyang may mahigit walong milyong South Africans ang namumuhay nang may HIV, ang pinakamataas na bilang sa alinmang bansa sa buong mundo.

Iniuugnay naman ng US State Department ang desisyong ito sa umano’y kabiguan ng South Africa na protektahan ang white-minority Afrikaner community, isang akusasyon na paulit-ulit namang itinanggi ng pamahalaan ng naturang bansa.

Ayon sa US, layunin ng hakbang na ito na itaguyod ang self-reliance ng South Africa at bawasan ang pagdepende nito sa pondo ng Amerika. Dagdag pa ng US, ang South Africa ay isa nang middle-income country na may sapat na kakayahang suportahan ang sarili nitong mga programang pangkalusugan.

Hanggang noong 2025, sinusuportahan ng US ang mga inisyatiba ng South Africa sa pamamagitan ng President’s Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR) na may ng tinatayang pondo na $400 million kada taon. Subalit, matapos muling maupo si Donald Trump bilang Pangulo, nagpalabas siya ng isang executive order. Inakusahan nito ang mga patakaran ng South Africa na diumano’y sumisira sa pantay na oportunidad, nagpapalala sa karahasan laban sa mga may-ari ng lupa at nagpapatupad ng iba pang imoral na polisiya, kaya tuluyan nang hinarangan ng US ang pagbibigay ng karagdagang tulong.