-- Advertisements --

27 katao ang naitalang namatay sa naiulat na dalawang magkahiwalay na mass shootings sa South Africa nitong nagdaang Sabado at Linggo, Setyembre 26 at 27.

Unang naiulat na 17 katao ang namatay habang higit sa 15 ang sugatan matapos magpaulan ng bala sa isang bar malapit sa lungsod ng Johannesburg ang walong armadong suspek ng AK-47 rifles at pistols nitong Sabado ng gabi, ayon sa lokal na pulisya.

Sa iba pang ulat ng pulisya, 10 naman ang namatay at 11 ang sugatan sa isang tindahan sa lungsod ng Cape Town matapos ang pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek. Nangyari ang insidente pasado madaling araw nitong Linggo, ilang oras lamang matapos ang unang naiulat na pamamaril.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, maaaring pagnanakaw ang motibo sa likod ng pamamaril dahil sa ilang nawawalang ari-arian ng mga biktima, ngunit maaari ring ugat ng krimen ang alitan sa pagitan ng mga grupo ng ilegal na minahan, ayon kay Gauteng province Police Commissioner Lt. Gen Tommy  Mthombeni.

Patuloy naman ang pag-iimbestiga ng South African Police Service sa mga naitalang insidente habang wala pang naarestong mga suspek na may kinalaman sa magkahiwalay na krimen.

Apat na araw rin bago ang dalawang trahedya, higit 11 rin ang kataong namatay, kabilang ang isang buntis, sa isa pang mass shooting kung saan pinasok ng mga armadong lalaki ang isang house party event sa isang bahay sa lungsod ng Durban, South Africa.

Sa kabilang dako, isa sa mga iniindang suliranin sa South Africa ang ilegal na pagmimina sa mga abandonadong dump site kung saan ang mga minero nito ay mga ilegal alien na nire-recruit umano ng mga organized crime gang. Kabilang din sa kinahaharap ng bansa ang ilang dekadang suliraning dala ng banta ng ilegal na armas at gun violence kung saan may tinatayang 60 na kataong namamatay sa bansa kada araw dulot nito.