Inatasan ng Office of the Ombudsman si Vice President Sara Duterte at siyam na opisyal mula sa DepEd at Office of the Vice President (OVP) na magsumite ng sagot sa reklamong kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
May 10 araw ang mga respondent mula sa pagtanggap ng kautusan para magsumite ng counter-affidavit, pati na rin ng mga salaysay ng saksi at iba pang dokumentong sumusuporta.
Babala ng Ombudsman, ang hindi pagsusumite sa itinakdang panahon ay ituturing na pagwawaksi ng karapatang magbigay ng ebidensiya, at tuloy ang preliminary investigation. Hindi rin tatanggapin ang anumang motion to dismiss o motion for bill of particulars.
Kasama sa mga reklamong isinampa ng Kamara laban kay Duterte at iba pa ang plunder, technical malversation, falsification, bribery, perjury, at paglabag sa Konstitusyon. Ang kaso ay kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱500M confidential funds ng OVP at ₱112.5M ng DepEd mula 2022–2024.
Kasama rin sa mga iniimbestigahan mula sa DepEd sina Edward Fajardo, Gina Acosta, Atty. Sunshine Charry Fajardo, Maj. Gen. Nolasco Mempin (ret.), at Undersecretary Annalyn Sevilla.
Mula naman sa OVP, kabilang sina Atty. Zuleika Lopez, Lemuel Ortonio, Lt. Col. Dennis Nolasco, at Col. Raymund Dante Lachica.
Itinanggi ni Duterte ang mga paratang, na kabilang din sa impeachment case na isinumite sa Senado.(Report by Bombo Jai)