-- Advertisements --
SARS COV 2 2
IMAGE | The SARS-CoV-2 virus that causes COVID-19/NIH

MANILA – Nakapagtala pa ang Pilipinas ng mas mataas na bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus disease mula sa 7,103 new cases kahapon.

Ngayong araw nag-ulat ang Department of Health (DOH) ng 7,999 na bilang ng bagong kaso ng COVID-19. Ito na ang pinakamataas na numero ng new cases na ini-ulat ng ahensya sa loob ng isang araw.

Dahil dito sumirit pa sa 648,066 ang total cases ng COVID-19 sa bansa.

“6 labs were not able to submit their data to the COVID-19 Document Repository System (CDRS) on March 19, 2021.”

Batay sa datos ng Health department, 14.6% ang positivity rate o bilang ng mga nag-positibo mula sa populasyong sumailalim sa COVID-19 test kahapon. Katumbas nito ang 4,390 mula sa 30,131 indibidwal na nagpa-test.

Una nang sinabi ng DOH na dumadaan pa sa validation o paglilinis ang mga datos kaya may ibang kaso na nag-positibo sa nakalipas na araw pero ngayon lang nai-report.

Ang mga active cases naman o mga nagpapagaling na kumpirmadong pasyente ay lumobo pa sa 80,642.

Mula sa kanila, 94.4% ang mild cases; 3.1% asymptomatic; 1% severe; 0.53% moderate; at 0.9% critical cases.

Samantala, nadagdagan naman ng 597 ang total recoveries na aabot na sa 562,484.

Habang 30 ang nadagdag para sa total deaths na 12,930.

“9 duplicates were removed from the total case count. Of these, 5 are recoveries. Moreover, 10 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation.”

Kung maaalala, sinabi ng independent group na OCTA Research na posibleng lumobo ng hanggang 11,000 ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng Marso kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng sakit.

Kamakailan nang aminin din ng DOH na napantayan na ng Pilipinas ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala noong Hulyo at Agosto noong nakaraang taon.

Ang naturang pagsipa ng coronavirus cases ang nag-udyok sa healthcare workers na manawagan ng “timeout” dahil sa napupunong mga ospital.

“Patuloy na mataas ang naitatalang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, maiging manatili lamang sa ating mga tahanan kung hindi naman talaga kinakailangang lumabas,” ayon sa DOH.

Simula noong Lunes, March 15, nagpatupad ng uniformed lockdown ang mga alkalde sa Metro Manila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Maging ang World Health Organization ay nababahala na sa sitwasyon ngayon ng Pilipinas. Bukod sa mga mas nakakahawang “variants of concern” ng COVID-19 virus, nakadagdag din daw sa pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit ang hindi pagsunod ng publiko sa health protocols.

This reminds us the situation we were in July to August last year. What is striking is the speed of numbers increase also appears to be increase faster than last year around,” ani Dr. Rabindra Abeyasinghe, representative ng WHO sa Pilipinas.